Nasamsam ng mga operatiba ang mahigit P3 milyong halaga ng hinihinalang shabu o crystal meth mula sa dalawang itinuturing na high-value” target kontra ilegal na droga ng Antipolo City noong Lunes, Marso 27.
Kinilala ang mga suspek na sina Frenlie Paolo Valledor at Ailyn Daep, kapwa residente sa lugar. Nahuli sila matapos magbenta ng shabu sa isang poseur buyer sa barangay Dalig sa nasabing lungsod.
Ayon kay Col. Dominic Baccay, hepe ng Rizal Police Station, nakumpiska mula sa mga suspek ang apat na sachet at limang pakete ng shabu na may kabuuang 500 gramo at nagkakahalagang P3.4 million.
Pinuri naman ni Baccay ang mga operatiba sa likod ng matagumpay na operasyon laban sa mga nagtutulak ng iligal na droga sa lalawigan.
Naghihimas ng rehas na ang dalawang suspek sa detention facility ng Antipolo Police Station habang nakabinbin ang pagsasampa ng mga kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.