TONE-TONELADANG NANGANGAMOY NA FROZEN MEAT SA QUEZON CITY, NABUNYAG

July 15, 2025 – nagsimula sa isang simpleng reklamo na natanggap ng BITAG sa Facebook messenger. Ang nagrereklamo, ang senior citizen na si alyas “Imelda”, residente ng Brgy. Baloy St., Imelda Ave, Araneta Quezon City.

Ang kaniyang sumbong, walang puknat na ingay, kalabugan at masangsang na amoy tuwing madaling araw sa warehouse umano na paga-ari ng isang frozen meat shop. Matagal na raw nilang inirereklamo ito sa Barangay subalit walang aksiyon o pagbabago.

Inimbitahan ng BITAG si “Imelda” na magtungo sa tanggapan nito sa Timog, Quezon City upang patotohanan ang kaniyang sumbong. Ilang video ang pinakita niya sa mga BITAG investigators bilang ebidensiya sa kaniyang reklamo.

IMBESTIGASYON SA TELEBISYON
Standard Operating Procedure (SOP) ng BITAG na tawagan ang mga otoridad na may kinalaman sa sumbong bilang mga resource person. Mahigpit na protocol na ipinatutupad ng host na si Ben Tulfo sa bawat sumbong na iniimbestigahan ng kaniyang tanggapan. 

Bago ipalabas ang sumbong na ito sa programang #ipaBITAGmo sa telebisyon, nakakuha na ng malalim na impormasyon ang BITAG Investigative Team mula sa Quezon City Business Permit and Licensing Department (QC-BPLD).

Napag-alaman din na ang kumpanyang may-ari ng maingay at mabahong warehouse ng mga frozen meat ay ang Don’s Meatshop. 

Sa interview sa programang #ipaBITAGmo sa telebisyon, kinumpirma ng QC-BPLD na walang Mayor’s Permit, Sanitary Permit, Locational, Environmental, Traffic at Barangay Clearance ang Don’s Meatshop.

Sa inisyal din na imbestigasyon sa telebisyon, aktibo ang Don’s Meatshop sa kanilang mga Facebook Pages na nagbebenta ng mga imported na karneng frozen sa publiko. Ang mga karne ay mula sa mga bansang Chile, the United States, Brazil, Spain, atbp.

Naging palaisipan sa BITAG kung paano nakakapag-negosyo ang kumpanyang ito kung saan ibinebenta diretso sa publiko o sa merkado ang kanilang mga imported na produkto. Kung walang mga local permits ang Don Meat Shop, posibleng wala din itong anuma ng dokumento mula sa Bureau of Customs (BOC) at Department of Agriculture – National Meat and Inspection Service (DA-NMIS).

ILANG ARAW NA PAGMAMANMAN, IKINASA NG BITAG
August 4, 2025 — alas 9:00 ng gabi, unang gabi maidokumento ng BITAG surveillance team ang aktuwal na paglalabas-masok ng naglalakihang trucks ng Don’s Meatshop na kinakargahan ng mga karton-kartong imported frozen meat,

Ang mga closed van trucks ay may mga nakasulat na NMIS permit number sa sasakyan. Nakitaan din ng tatlong kakaibang stickers na nakadikit sa bawat truck. Ang mga ito ay logo ng malalaking organisasyon na The Fraternal Order of Eagles, Independent Order of Odd Fellowship at Freemasonry.

Alas-11 ng gabi, mas dumalas ang pagdating ng mga closed van trucks at mas naging abala ang mga pahinante’t driver ng warehouse sa pagkakarga ng mga produkto. Dito nagbigay ng go signal ang host na si Ben Tulfo na sundan ang ilan sa mga truck at alamin kung saan binabagsak ang mga frozen meat products. Madaling araw na ng ibagsak ang mga karton-kartong imported frozen meats sa Marikina Public Market at New Taytay Market.

August 5, 2025 — sa ikalawang gabi ng pagmamanman, bumagal ang operasyon ng Don’s Meatshop. Kumpara sa unang gabi, mangilan-ngilan lamang ang mga truck na dumadating sa warehouse. Sa gabing ito, idiniskarga naman ang mga frozen products sa Central Signal Public Market.

Sapat na ang mga ebidensiyang nakalap ng BITAG mula sa surveillance operation. Kinakailangan na ang panghihimasok ng national agency ng gobyerno – ang Bureau of Customs (BOC) upang masilip kung may importation permit ang Don’s Meatshop at DA- NMIS kung ligtas ang mga karneng ibinebenta sa publiko.

BITAG AT BUREAU OF CUSTOMS
August 8, 2025 — pormal na nakipag-ugnayan ang BITAG sa pangunguna ni Ben Tulfo kay Commissioner Ariel Nepomuceno ng Bureau of Customs hinggil sa kasong ito. Iprinisenta at ibinigay ng BITAG ang mga impormasyon at materyales ng inisyal na imbestigasyon.

Ang mga detalyeng ipinasa ng BITAG sa BOC ang ginawang batayan ng mga otoridad para magsagawa ng mas malalimang imbestigasyon. Ilang gabi ding nagsagawa ng surveillance operation ang mga intelligence officers ng BOC.

August 12, 2025 — Sabay na nagsagawa ng surveillance operation ang BITAG Next Generation (BNG) Investigators at Intel ng Bureau of Customs. Kataka-takang sa gabing ito, walang operasyon sa warehouse ng Don’s Meatshop. Patay ang mga ilaw at tila mga closed van truck na nakaparada o nagdadatingan. 

Sa intel na ibinahagi ng BOC, may ibang warehouse umano na pinaglipatan ang kumpanya ng mga produkto nitong imported frozen meat. Kaya’t hindi na pinatagal ng BITAG at BOC ang pagmamanman – agad ikinasa ang isang surprised inspection kasama ang iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan.

BITAG, BOC, DA-BFAR at NMIS, COASTGUARD AT QC-BPLD, SANIB-PUWERSA
August 15, 2025 — dahil sa natuklasang paglilipat ng Don’s Meatshop ng kanilang warehouse, isinagawa ang surprised inspection and visitation at paghahain ng Cease and Desist Order (CDO) sa pangunguna ng QC-BPLD. Samantala, isasagawa naman ng BOC ang paglalagay Customs Seal sa warehouse at mga frozen products.

Kasama ang Philippine Coast Guard na siyang katuwang ng BOC sa mga operasyong tulad nito, mga opisyales ng QC-BPLD, DA-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at BITAG Investigative Team, dalawang grupo para sa dalawang lokasyon ang ikinasang operasyon. Nahuling dumating sa eksena ang mga kawani ng National Meat Inspection Service (NMIS).

Ang Team A ay papasok sa warehouse sa Brgy. Imelda sa Araneta Avenue habang ang Team B ay sa bagong itinuturong warehouse ng kumpanya sa Brgy. Tatalon. Malinis na ang warehouse sa Brgy. Imelda samantalang nagpositibo naman sa Brgy. Tatalon – naabutan ang mga naglalakihang truck at mga tone toneladang frozen meat products. Ang iba sa mga produkto, nabubulok at nangangamoy na.

Nakausap naman mismo ni Ben Tulfo ang mismong may-ari ng Don’s Meatshop. Inamin nitong “on-going” daw ang application ng mga permits ng kaniyang negosyo. Itinanggi ng QC-BPLD ang detalyeng ito dahil wala raw pending applications ng permit sa Cityhall ang Don’s Meatshop, gayundin sa record ng BOC. Samantalang lito naman ang NMIS kung may permit ang Don’s Meatshop na itinda sa publiko ang mga inimport na frozen meat products. 

Isinarado at kinando ng BOC at QC-BPLD ang warehouse upang hindi na mailabas pa ang mga frozen meat products. Ilang araw ang nakalipas, kinuha ng NMIS ang mga frozen meat at dinala sa Porac Pampanga upang ibaon sa lupa.

Patuloy na magiging mata, bibig at tainga ng taumbayan ang BITAG Next Generation sa mga pang-aabuso, iregularidad at panlalamang sa komunidad. Kung may nalalaman na ganitong uri ng aktibidades, ipagbigay-alam agad sa BITAG.

Para sa buong kaganapan ng operasyong ito, panoorin: https://youtu.be/CZgnSIy6A5o