7 ILIGAL NA FISH CAGE SA DAGUPAN, WINASAK

Winasak ng Task Force Bantay Ilog ang pitong illegal at oversized na fish pan at fish cages sa Dagupan City.

Bahagi ito ng river clean-up drive ng lungsod upang maiwasan ang pagkasira ng ilog at upang maprotektahan ang maliliit na mangingisda. Binigyan ng notice of violation and demolition ang mga may-ari at operators ng palaisdaan noong Biyernes, Nob. 11.

Pinangunahan ng City Agriculture Office, Dagupan CDRMMO, Philippine National Police (PNP) Dagupan at Philippines Coast Guard (PCG) ang paggiba sa mga fish cage. Ayon kay City Agriculturist Patrick Dizon, karamihan sa mga fish pen at ay abandonado na.

Ang mga binaklas na baklad ay nasa bahagi ng Barangay Bonuan Gueset, Pugaro-Suit at Salapingao. Bahagi umano ito ng intensibong operasyon ng lokal na pamahalaan upang linisin ang ilog at magkaroon ng patas na oportunidad ang mga lokal na mangingisda.