7 LGUS NAKATANGGAP NG AMBULANSYA MULA SA PAGCOR

Pinangunahan ni PAGCOR Chairman at CEO Alejandro H. Tengco (ika-4 mula kanan) ang turnover ng pitong Patient Transport Vehicles (PTVs) sa iba’t ibang LGU noong Setyembre 3, 2025. Kabilang sa mga tumanggap sina (mula kaliwa): Kibawe Mayor Reynaldo Ang Rabanes (Bukidnon), Tacloban City Health Office head Dr. Gloria Fabrigas (Leyte), Mexico Mayor Rodencio Gonzales (Pampanga), Indang Mayor Virgilio Fidel (Cavite), San Manuel Mayor Doña Cresencia Tesoro (Tarlac), Busuanga Mayor Raymond Emil Cruz (Palawan), at Las Piñas DRRMO head Alejandro Dela Merced.

NAGKALOOB ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ng pito pang bagong Patient Transport Vehicles (PTVs) sa iba’t ibang lokal na pamahalaan bilang suporta sa programa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na paigtingin ang emergency medical services sa mga liblib at underserved communities.

Kabilang sa mga LGUs na nakatanggap ng PTV ang Las Piñas City at ang mga bayan ng Tacloban (Leyte), Busuanga (Palawan), San Manuel (Tarlac), Mexico (Pampanga), Kibawe (Bukidnon), at Indang (Cavite).

Pinangunahan ni PAGCOR Chairman and CEO Alejandro H. Tengco ang ceremonial turnover sa corporate office ng ahensya sa Pasay. Aniya, bahagi ito ng tuloy-tuloy na pagtulong ng PAGCOR upang mapabuti ang serbisyong pangkalusugan, partikular sa mga lugar na malalayo sa mga ospital.

Nagkamay sina PAGCOR Chairman at CEO Alejandro H. Tengco (kaliwa) at Busuanga, Palawan Mayor Raymond Emil Cruz matapos ang turnover ng ceremonial key sa PTV donation rites noong Setyembre 3, 2025 sa PAGCOR Corporate Office sa Pasay City.

“This is more than just a turnover of vehicles, it is about saving more lives,” ani G. Tengco. “We hope to empower our LGUs to respond faster and more efficiently during medical emergencies. Wala naman pong hinihingi ang gobyerno kung hindi ang alagaan ninyo lang sana ang mga ito.”

Kumpleto ang mga bagong PTV sa GPS navigation system, ambulance stretcher, medical oxygen, wheelchair at first aid kit para masiguro ang ligtas at maayos na pagdadala ng pasyente sa pinakamalapit na ospital o health facility.

Sa kabuuan, umabot na sa 51 emergency vehicles ang naipamahagi ng PAGCOR sa LGUs, pampublikong ospital, frontline agencies at piling yunit ng militar sa buong bansa.

Lubos namang nagpasalamat si Busuanga Mayor Raymond Emil Cruz, dating empleyado ng PAGCOR, sa naturang donasyon.

“Malaki ang aming isla at napakalayo ng ilang barangay sa sentro ng bayan. Kaya ang PTV na ito ay napakahalagang tulong,” ani Cruz. “Sisiguraduhin namin na mapapakinabangan ito ng maraming kababayan sa mahabang panahon.”

0
Would love your thoughts, please comment.x
()
x
0
Would love your thoughts, please comment.x
()
x