PAGCOR, NPC SANIB-PWERSA SA DATA PRIVACY PROTECTION

Nilagdaan nina PAGCOR Chairman at CEO Alejandro H. Tengco (kanan) at Privacy Commissioner at NPC Chairman Atty. John Henry Naga ang Memorandum of Understanding para paigtingin ang data privacy protection at responsible information management sa gaming industry.

Nagsanib-puwersa ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at ang National Privacy Commission (NPC) para tiyaking ligtas at protektado ang data privacy sa buong gaming sector ng bansa.

Pormal na pinagtibay ang kasunduan sa pamamagitan ng Memorandum of Understanding (MOU) na nilagdaan noong Oktubre 20 sa PAGCOR Corporate Office sa Pasay City.

Sa ilalim ng kasunduan, magtutulong ang dalawang ahensya sa pagtugon sa mga isyu sa data privacy, pagpapalakas ng kooperasyon sa mga stakeholder, at pagpapaigting ng seguridad sa mga gaming establishment.

Ipinakita nina Chairman Alejandro H. Tengco (kanan) at Atty. John Henry Naga ang nilagdaang Memorandum of Understanding para sa pormal na ugnayan sa pagitan ng PAGCOR at National Privacy Commission.

Ayon kay PAGCOR Chairman at CEO Alejandro H. Tengco, ang kasunduan ay patunay na seryoso ang ahensya sa tungkulin nitong pangalagaan ang personal na impormasyon ng mga empleyado, licensees, at gaming patrons nito.

“This MOU with the NPC is a vital step in aligning PAGCOR’s policies and processes with the evolving data privacy landscape,” ani G. Tengco. “It reinforces our duty to protect personal information while ensuring that our operations remain transparent, compliant, and trustworthy.”

Dagdag pa niya, ang pagtutulungan ng PAGCOR at NPC ay magbubukas din ng daan para sa pagbuo ng database ng mga opisyal at empleyado ng gobyerno na ipinagbabawal pumasok at magsugal sa mga casino at iba pang gaming establishments sa buong bansa.

Sina Chairman Alejandro H. Tengco at Atty. John Henry Naga kasama ang mga opisyal ng PAGCOR at National Privacy Commission sa ginanap na MOU signing ceremony.

“Sa pakikipagtulungan ng NPC, umaasa ang PAGCOR na mabuo na rin sa wakas ang database ng mga kawani ng gobyerno na bawal maglaro sa mga casino. Bahagi ito ng aming pagsusulong ng responsible gaming,” dagdag pa ni Tengco.

Samantala, pinuri ni NPC Privacy Commissioner at Chairman Atty. John Henry Naga ang pagiging maagap ng PAGCOR sa pagsunod sa mga patakaran sa data privacy. Aniya, mahalaga ang pagtutulungan ng mga ahensya ng gobyerno para maprotektahan ang personal na datos, lalo na sa mga industriyang humahawak ng sensitibong impormasyon.

“The formalization of this collaboration between NPC and PAGCOR underscores the security of our citizens’ personal data, which is not just a regulatory requirement but a hallmark of excellence in the gaming industry,” ani Atty. Naga.

Nagsimula ang ideya para sa pormal na kasunduan matapos ang isang NPC-led Data Privacy Training Workshop para sa mga Government-Owned and Controlled Corporations (GOCCs), kung saan iminungkahi ni PAGCOR Data Privacy Officer Maria Concepcion Gloria-Rubio ang pagbuo ng mas matatag na framework para sa data compliance.

Sa ilalim ng kasunduan, magsasagawa ang PAGCOR at NPC ng mga magkatuwang na programa para sa privacy awareness, training, at policy making para mas tumibay pa ang pagpapatupad ng tamang privacy governance sa gaming industry.