“EKONOMIYA O KALIGTASAN NG MAMAMAYAN?”

MAINIT na pinag-uusapan ngayon ang sitwasyon ng POGO o Philippine Offshore Gaming Operations dito  sa Pilipinas. 

Tanong ng ilan, kung mismong China at Cambodia ipinagbabawal at isinara na ang mga POGO, bakit dito sa atin namamayagpag pa?

Sabi ng mga pabor – malaking tulong nito sa ekonomiya ng bansa ang POGO. Sa katunayan daw ay simula 2016, taun-taon ay kumikita ang Pilipinas ng P500 Bilyon. 

Ayon naman sa mga kontra kabilang na ang ilang mambabatas, may kinalaman ang operasyon ng POGO sa sunod-sunod na kidnapping cases sa ating bansa.

Nitong nakaraan nagkaroon ng rescue operations sa Angeles, Pampanga, pinangunahan ito ng dalawang ahensya, ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor). 

Ipinasara ng mga otoridad ang isang POGO establishment. 

Ano nga ba ang rescue operations? Kadalasan ginagawa ito ng mga otoridad katulad ng pulis, pinupuntahan ang mga posibleng biktima na di umano’y hinahawakan ng labag sa kanilang kalooban, sa madaling salita, held against their will.

Kaya may kalituhan lang para sa akin, kung ang mga na-rescue na POGO workers sa Pampanga ay pilit bang pinagtrabaho?

Paano ba nakapasok ang mga dayuhan na ‘yan sa ating bansa, ‘di bat dumaan lahat ng ‘yan sa ating mga paliparan? 

Ayon sa balita itu-turnover daw ang mga dayuhan sa Bureau of Immigration upang sumailalim sa “document and permit checking”. 

Dito na magkaka-alaman, ilegal ba ang mga ‘to? Or totoong biktima ng human trafficking gaya ng nababalita? 

Sa talaan ng Department of Justice, nasa 800,000 illegal aliens ang kasalukuyang nasa ating bansa. 

Kaya ako, sang-ayon ako sa suhestiyon ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.  Upang maresolba, panahon na raw upang magkaroon na ang Pilipinas ng biometric database para sa mga dayuhang pumapasok sa bansa. 

Now we’re talking! Para ma-trace agad  kung saang lupalop mamamalagi ang mga pasaway at undocumented foreigners na nagkakalat ng lagim sa ating bansa. Kapag gumawa ng krimen, huli agad at deport!

Huwag naman sanang umabot sa sitwasyon na magiging haven ng mga kriminal ang Pilipinas. Dahil hindi alam na may criminal record sa bansang pinanggalingan, sa Pilipinas – malayang nauulit ang kanilang krimen. 

Mga boss, walang masama sa negosyo at syempre sa bilyon-bilyon kita. Ang dapat sigurong gawin, mahigpit na regulasyon ng gobyerno sa POGO kabilang na ang mga manggagawang dadalhin dito.

Masakit kasi na katotohanan sa ngayon, hihiramin ko ang sinabi ni Finance Secretary Benjamin Diokno, “because we are loose, we’re not strict on our rules, so meron tayong reputational risk.”

0
Would love your thoughts, please comment.x
()
x
0
Would love your thoughts, please comment.x
()
x