Muling nakipag-ugnayan sa BITAG ang nagrereklamong costumer na si Judith Blesil Maraon.
Masayang pagbabalita ni Judith sa Pambansang Sumbungan: #ipaBITAGmo, tapos na ang kaniyang problema sa sirang modern tricycle na kaniyang nabinili kamakailan.
“Good day po. Kahapon po ng 4:30 pm natangap ko na po ang Refund in a form of check. I am grateful for your program, BITAG because my complaint was acted accordingly by DTI and Motorace, kung hindi po sa inyo walang nangyari sa complaint ko. Merry Christmas po sa inyo” sa isang text message na ipinadala ni Judith.
Matapos raw ang ilang mediation session sa tanggapan ng Department of Trade and Industry (DTI) sa Zamboanga Del Sur ay nagkasundo na si Judith at ang kaniyang inirereklamong kumpanya na MOTORACE Philippines Incorporated.
Sa pasya ng DTI na sinang-ayunan ng dalawang panig, nai-refund na ang halaga ng palyadong modern tricycle unit na nabili ni Judith.
Nakaraang December 21, 2022 ay naibigay na ng MOTORACE ang total refund amount na P135,252.
Matatandaang lumapit si Judith buwan ng Nobyembre sa BITAG upang humingi ng tulong kung ano ang maaring gawin sa brand-new modern tricycle na kanyang binili.
Wala pa raw isang linggo mula ng nabili ni Judith ang unit ay nagpakita na agad ito ng mga depekto. Agad niya itong dinala sa tindahang pinagbilhan para ipa-silip sa mekaniko ngunit hindi daw sakop ng warranty ang sirang parte ng modern tricycle.
Pagkalipas pa raw ng 3 linggo, ay may lumabas na namang problema sa nabiling modern tricycle. Dahil hirap na daw siya sa pakikipag-usap sa pamunuan ng MOTORACE ay lumapit na siya sa BITAG.
Panoorin ang mga aksiyong ginawa ng BITAG para sa ikakaresolba ng reklamong ito;