Umabot na ang pinsala ng tumagas na langis sa mga dalampasigan ng tatlong bayan sa Oriental Mindoro matapos lumubog noong February 28 ang MT Princess Empress.
Apektado ang mga bayan ng Naujan, Pinamalayan at Pola.
Pinaka apektado ang bayan ng Pola kung saan ang pitong barangay dito ay sakop ng marine protected area, fish sanctuaries at corrals.
Sinimulan na din ng Philippine Coast Guard at Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mechanical recovery ng mga natapong langis sa karagatang sakop ng bayan ng Naujan.
Sinabi ng DENR na patuloy nilang sinusubaybayan ang epekto ng biodiversity sa dagat at ang posibleng epekto nito sa buhay at kabuhayan ng mga residente.
Patuloy din na nagsasagawa ang MTUG TITAN sa pag-apply ng dispersant sa naturang katubigan.
Kanina, nagsagawa ng aerial surveillance ang PCG sa pangunguna ni Commandant, CG Admiral Artemio M Abu sa vicinity waters ng Naujan, Oriental Mindoro.
Ayon sa Coast Guard Aviation Force (CGAF), napansin nila ang 2 hanggang 3 kilometrong haba ng oil spillage.
Magugunitang noong February 28, lumubog ang nasabing oil tanker matapos magkaaberya ang makina nito at hampasin ng malalakas na alon.