Ipinagkaloob ni PAGCOR Community Relations and Services Department Senior Manager Joaquin Abejar kay Barangay Chairman Eduardo Agapito ang mga relief package para sa mga pamilyang nasalanta ng bagyo sa Brgy. Igulot, Bocaue, Bulacan.
UMABOT na sa higit Php67 milyon ang naipagkaloob na tulong ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa mga lugar na sinalanta ng sunod-sunod na bagyo at malawakang pagbaha sa Luzon nitong Hulyo.
Mahigit 74,000 pamilya sa Metro Manila at ilang lalawigan sa Luzon ang nabigyan ng food at non-food packs na may lamang bigas, delata, noodles, kape, hygiene kits, at banig.
Ayon kay PAGCOR Chairman at CEO Alejandro H. Tengco, sa huling linggo pa lamang ng Hulyo ay umabot na sa 41,000 relief packs na nagkakahalaga ng Php37 milyon ang naipamahagi sa mga residente ng Zambales, Bulacan, Laguna, Mindoro, Rizal, Tarlac, Nueva Ecija, at Olongapo City.
Nabigyan din ng care packages ang Tingog Partylist at ang tanggapan ni Senator Lito Lapid para ipamahagi sa kanilang mga nasasakupan na apektado ng kalamidad.


Tumanggap ng 500 food at 500 non-food packs ang mga binahang residente ng Brgy. Igulot, Bocaue, Bulacan mula sa PAGCOR noong Hulyo 31. Kabilang sa mga ipinaabot na tulong ang bigas, delata, kumot, at toiletries.
Sa kasagsagan pa lamang ng ulan ay nakapagpadala na ang PAGCOR ng tulong na nagkakahalaga ng Php30.41 milyon sa mga lugar tulad ng Maynila, Quezon City, Marikina, Parañaque, Cavite, Batangas, Rizal, Bulacan, Occidental Mindoro, La Union, at Laguna.
“Today, even after the rains have stopped and the floodwaters have subsided, we continue to provide support to severely affected communities because we understand that recovery from the aftermath of disasters takes time,” ani G. Tengco.
“PAGCOR remains committed to support affected communities as they try to get back on their feet,” dagdag pa niya.
Nagpasalamat naman si Olongapo City Mayor Rolen Paulino para sa 2,000 food at non-food packs mula sa PAGCOR noong Biyernes, Hulyo 31.
“Sa PAGCOR, maraming salamat sa inyong malasakit para sa aming mga kababayan. Hindi po namin ito makakalimutan at malayo po ang mararating ng tulong na ito sa amin,” ani Paulino.