June 22, 2025 – Isang nakakagimbal na krimen ang ipinaabot sa BITAG. Sa Facebook messenger ng BITAG Ben Tulfo, ipinadala ang isang CCTV video ng aktuwal na pagsilab ng apoy sa buhay na katawan ng isang lalaki.
Ang sender, isang ginang na humihingi ng tulong na mabigyan ng katarungan ang sinapit ng kaniyang binatang pamangkin.
Sa kaniyang mensahe, nag-iwan ang ginang ng kaniyang contact number at maikling detalye ng krimen. Agad siyang tinawagan ng BITAG upang kumpirmahin ang sumbong.
ANG VIDEO NG AKTUWAL NA KRIMEN
Sa Closed Circuit Television Video o CCTV na ipinadala ng ginang sa BITAG, kitang-kita ang mga kaganapan sa isang eskinita sa Brgy. Pitogo, Taguig City.
Alas-11 ng gabi ng June 20, 2025, makikitang nakaupo lamang sa gilid si James Villaruel, binata, 28-taong gulang.
Maya-maya lamang, lumapit ang isang lalaking kinilalang si Gregorio Adan Jr, 43 anyos. Sa CCTV, nakita ang pagsaboy ni Gregorio ng gasolina sa biktima at agaran nagliyab ang biktimang si James.
Nakitang tumakbo papalayo ang suspek na si Gregorio at hanggang sa ngayon, hindi na ito muling nakita sa kanilang lugar matapos ang ginawang krimen.
Dahil sa matinding pinsala, nagtamo ng second-degree burns sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si James at agad itong dinala sa ospital habang nagaagaw-buhay.
CRIME OF PASSION
Sa pakikipag-ugnayan ng BITAG Investigative Team sa Taguig City Police, lumabas na matinding selos ang ugat ng krimen. Sa mga alagad ng batas, tinatawag itong crime of passion.
“’Yung ex-live-in partner ng suspek at ang biktima, naging magka-close at palaging magkasama. Nang makita ng suspek na malapit na sila sa isa’t-isa, nagselos siya. Pumunta siya roon na may dalang galon ng gasolina at lighter, at agad sinilaban ang biktima habang nakatambay,” paliwanag ni PCpt. Dennis Desalisa, hepe ng investigation section ng Taguig City Police.
Nagsalita rin sa BITAG ang ex-live-in partner ng suspek na si alyas “Grace.”
Nilinaw niya na wala silang relasyon ng biktimang si James. Sa katunayan, ang pagiging seloso at abusado ng kanyang dating kinakasama ang dahilan ng kanilang paghihiwalay. “Talagang hindi ko na kinaya, kaya nagdesisyon akong makipaghiwalay. Pumunta ako sa barangay para humingi ng tulong dahil gusto kong maayos ang hiwalayan namin. Nagkausap naman kami at pumayag siya, pero pagkatapos noon, nagulo na naman siya,” pahayag ni “Grace.”
FRUSTRATED MURDER SA KASONG MURDER
Una nang sinampahan ng mga kasong frustrated murder at serious physical injuries ang suspek na si Gregorio Adan Jr. Sinubukan ng BITAG na hanapin at tuntunin ang mga huling pinanggalingan ni Gregorio, subalit tuluyan nang nagtatago ito.
Buhay pa at lumalaban ang biktimang si James Villaruel nang mga panahong ito. Nakausap pa siya ng BITAG at umiiyak itong nagtatanong kung ano ang kaniyang kasalanan para sapitin ang karumal-dumal na sitwasyon.
Sa kasamaang-palad, binawian si James ng buhay noong July 20, 2025. Hanggang sa ngayon ay humihingi ng katarungan ang mga magulang at kamag-anak ng biktima.
Nakikiisa ang BITAG sa mga otoridad sa pamamagitan ng BITAG: The Hunt para sa mabilisang pagkaaresto ng suspek na patuloy na nagtatago. Sa mga may impormasyon sa suspek, maaaring magpadala ng impormasyon sa BITAG, Ben BITAG Tulfo at BITAG Multimedia Network Facebook Pages.
Para sa buong istorya, panoorin: https://youtu.be/QJyGxAxT5vg