KUHA SA CCTV CAMERA
September 4, 2025 — Personal na nagtungo sa opisina ng BITAG ang mag-asawang Edgar Claunan at Sarah Jane Musa upang ipaabot ang kanilang reklamo tungkol sa siga at abusado na tricycle driver sa Barangay 168 Deparo Caloocan City.
Ayon sa nagrereklamong si Edgar, habang siya ay naka-duty bilang security guard sa isang Subdivision sa Caloocan City, bigla na lang daw siyang sinita at binugbog ni Richard Marcelo na isang tricycle driver.
Ang dahilan — pinagbawalan ni Edgar ang mga kaibigan at 9-taong gulang na anak ni Richard na makapasok at makapaglaro ng basketball sa loob ng Subdivision.
AKTUWAL NA VIDEO NG PAMBUBUGBOG
Alas-11 ng tanghali ng a-2 ng Setyembre 2025, dokumentado ng Closed Circuit Television Video o CCTV ang galit na panunugod ni Richard sa security guard na si Edgar.
Sa kopya ng CCTV footage na ibinigay ng mag-asawang nagrereklamo sa BITAG, apat na malalakas na suntok ang pinakawalan ni Richard sa likurang bahagi ng ulo ni Edgar. Dahil sa pagkabigla, hindi nagawang lumaban ni Edgar. Nakita rin sa CCTV ang pagdikdik ni Richard ng ulo ni Edgar sa guard house na nasa gate ng subdivision.
Sa ‘di kalayuan, makikita ang 9-taong gulang na anak ni Richard, nakatayong nanonood sa pambubugbog ng kaniyang ama sa sekyu ng subdivision.
HAMBALOS NI BITAG
Sumagot sa programang BITAG Help Desk ang inirereklamong tricycle driver. Matapang itong umamin sa host ng programa na si Ben BITAG Tulfo na hindi siya homeowner ng subdivision subalit may kamag-anak umano siya sa loob.
Sa umpisa pa lamang, depensibo ang tono ng inirereklamong si Richard. Depensa nito, nabugbog lamang niya ang sekyu dahil sa pagpigil nito sa kaniyang anak na makapasok sa subdivision.
Imbes humingi ng paumanhin o patawad sa kaniyang biktima, nagmamatigas at naninindigan si Richard sa pagdepensa ng kaniyang ginawang krimen. Sa puntong ito, tinapatan na ni Ben BITAG at Carl BITAG Next Generation ang inaasal ng inirereklamo.
Matapos makarinig at makatanggap ng lenggwaheng bully at siga, tumiklop sa huli si Richard. Humingi ito ng paumanhin sa sekyung si Edgar at nangakong sasagutin ang lahat ng gastusin sa pagpapagamot.
Upang masiguro ang sinseridad ni Richard sa kaniyang paghingi ng tawad at hindi na nito babalikan ang nagrereklamo, isang grupo mula sa BITAG Investigative Team ang naatasan na pagharapin ang dalawang panig sa harap ng Barangay.
FACE TO FACE
Kakatwang paghaharap ang bumungad sa BITAG Investigative Team sa tanggapan ni Kap. Crisanta Del Rosario ng Barangay 168 Deparo, Caloocan City. Galit na kinukuwestiyon ang BITAG ng dalawang kapatid na babae ng inirereklamong tricycle driver na si Richard.
Atungal nito, bakit daw kailangan pang ipahiya ang kaniyang kapatid sa programang Help Desk sa telebisyon at social media. Ang sugat umano ng binugbog na sekyu ay madaling gumaling subalit ang kahihiyan at stress umano ng kanilang kapatid ay hindi na makakalimutan.
Dito kinumpronta ng BITAG Investigative Team si Richard at dalawang mapapel na kapatid nito. Paliwanag ng BITAG, epekto ng problema ang kanilang kinukuwestiyon. Ang ugat ng problema ay ang pambubugbog nito sa security guard ng subdivision na ginagawa lamang ang kaniyang trabaho. Ang pagiging siga at bully ng inirereklamong tricycle driver ang dahilan ng problemang ito. Kung susuriin, maaaring hindi mag-ayos ang dalawang panig at sampahan na lamang ng kaso ang inirereklamo. Subalit, sa BITAG lumapit ang biktima – dahilan para makialam ang BITAG Investigative Team sa sumbong na ito.
Sa puntong iyon, hindi napigilan ng biktima na maglabas ng kaniyang saloobin. Aniya, “ako namatay ang nanay ko hindi ko nakita, kaya ayaw kong mangyari sa mga anak ko yun na kapag namatay ako hindi na nila ako makikita, dahil sa aming Muslim kapag namatay ka, hapon lang ililibing ka na”.
Ang sagot ng inirereklamo, “ilang sorry pa ba ang gagawin ko.” Dito muling narinig ni Richard ang mga lengguwaheng bully at siga sa pagtawag sa telepono ni Ben BITAG Tulfo.
Hindi nagkasundo ang dalawang panig sa unang paghaharap. Nagtakda ang Barangay ng ikalawang paghaharap — dito, hinayaan na ng BITAG na magdesisyon ang biktima.
ANG MGA BULLY AT ANG BITAG
Paano nga ba mag-isip ang isang bully? Marami ang mga natitinag, naduduro at natatakot sa pinaggagagawa nitong mga kilabot, mga siga, mga bully sa komunidad.
Ayon sa criminologist na si Dr. Ariel D. Manlusoc, ang karaniwang dahilan ng bullying —- mismong nambu-bully ang nakaranas nito. Ang masaklap, lumaki ang mga ito ng walang atensyon at pagmamahal.
“Ang mga bully ay humahanap ng ibang paraan para makakuha ng atensyon, wala sa kanila kung tama ba ang paraan o mali. Kaya kung tutuusin itong mga bully somehow, pwede natin silang tignan as victim din.”
Sa dami ng mga nahawakang sumbong ng BITAG na tulad nito —- sa mundo ng mga kilabot at sisiga-siga, magkakaintindihan lang kapag kaya mong isalita ang kanilang lengguwahe.
Marunong sumunod sa batas ang BITAG at alam namin kung saan ang hangganan. Subalit kadalasan, sa mga kasong tulad nito, ang kinakailangan ay sampol, higitan ang pagsalita ng kanilang lengguwahe para idikdik sa kanilang kukote na may batas na dapat sundin.
Alam ng mga bully at siga na mahaba ang proseso ng paglapit at pagreport sa Barangay at pulis. Dagdag perwisyo ito sa kanilang mga biktima kaya sa huli ay nawawalan ng ganang magreklamo laban sa mga nanakit sa kanila.
Sa BITAG, itatabla namin ang laban. Itatama namin sa pamamagitan ng pagsunod sa batas. Bukas lagi ang aming tanggapan sa mga mahihina ang loob na tumayo laban sa mga siga’t bully sa inyong lugar.