Sa gitna ng imbestigasyon ng BITAG New Generation sa mga nagrereklamong katutubong Aeta sa Mabalacat, Pampanga, lumapit ang manager ng restaurant na pinagpupulungan ng mga Aeta at BITAG.
Ayon sa restaurant manager, isang katutubong Aeta na miyembro ng Citizen Armed Forces Geographical Unit o CAFGU ang napatay umano ng isang sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Nakausap ng Bitag si Tatay Rodolfo Manalo, ama ng napaslang na Aeta CAFGU.
SALAYSAY NG AMA NG BIKTIMA
September 5, 2025, nakausap ni Ben BITAG Tulfo sa kaniyang programang Helpdesk ipaBITAGmo si Rodolfo Manalo, ama ng pinaslang na Cafgu. Makikitulog lang daw sana ang kanyang anak na si Randy Manalo, isang CAFGU sa barracks ng kanyang pinsan sa Brgy Sta. Lucia sa Capas, Tarlac. Pinagbintangan umano ng sundalong si Major Albert Peralta si Randy na nambabato sa kaniyang farm.
Itinanggi ng kaniyang anak ang bintang ni Major Peralta at nagpakilala itong isang CAFGU. Lalo daw nagalit ang noo’y lasing na sundalo at walang awang pinagtatadyakan si Randy. Tumigil lamang daw si Major Peralta sa paninipa ng mawalan ng malay ang biktima. Ang matindi, nagbanta pa daw ang sundalo sa pinsan ng biktima habang takot na takot na nasaksihan ang pambubugbog – ‘wag magsusumbong kung hindi ay babalikan siya ng sundalo.
Naisugod pa daw sa ospital si Randy subalit agad binawian ng buhay. Lumalabas sa medico legal, Acute multi-organ failure , blunt traumas to the head, traumatic injuries to the trunk and extremities, secondary to alleged mauling ang ikinamatay ng biktima.
HOMICIDE VS CYBERLIBEL
Bagamat nakapagsampa ng kasong Homicide si Tatay Rodolfo sa Provincial Prosecutor’s Office ng Tarlac City, nauna pang lumabas ang subpoena para sa kapatid ng biktima dahil sa kasong Cyberlibel na isinampa ni Major Peralta.
Dala ng labis na pagdadalamhati at hindi pagusad ng kasong Homicide laban sa sundalo, nagpost sa Facebook ang kapatid na babae ng biktimang si Randy. Ginamit ito ni Major Peralta para magsampa ng kasong kriminal na paninirang-puri o paglabag sa Republic Act No. 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012 laban sa kapatid ng napaslang na CAFGU.
Sa affidavit of complaint ng sundalo, nasira daw ang kaniyang pangalan sa hanay ng militar, dahilan para magdulot ng mental stress at anxiety sa kanya.
PAGSASADULA NG KRIMEN
Mismong pinsan ng biktima na si Gaspar Manalo at tanging saksi sa pambubugbog ni Major Peralta ang nagsadula sa BITAG Investigative Team sa kung paano naganap ang krimen.
Ultimo si Gaspar, nakatanggap ng mga suntok at tadyak mula sa lasing na sundalo. Umpisa hanggang wakas – malinaw na naidetalye at naiakto ni Gaspar ang mga pangyayari sa gabi ng krimen. Tuloy-tuloy ang pagrolyo ng mga camera ng BITAG Investigative Team upang detalyadong maidokumento ang pagsasadula’t salaysay ng saksi.
REPUBLIC ACT 7055 o CIVILIAN SUPREMACY ACT OF 1987
Hindi ordinaryong suspek ang nakapaslang sa CAFGU na si Randy Manalo. Isa itong miyembro at opisyal ng Philippine Army sa ilalim ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Isang katanungan kung ang krimen na kaniyang ginawa ay pananagutang sibil o militar.
Sa Pilipinas, may batas na Republic Act No. 7055 o Civilian Supremacy Act. Lamang o mas mananaig ang Civilian Court (Korte Sibil) kumpara sa Court-Martial (Korte Militar). Ibig sabihin, kapag ang isang miyembro ng AFP ay nakagawa ng krimen na walang kinalaman sa kaniyang pagiging militar – sa Civilian Court ang kaso at hindi sa korte ng Militar.
Sa kasong ito, ang pagpaslang ni Major Peralta sa CAFGU na si Randy ay hindi service connected dahil nakabakasyon ang sundalo ng mangyari ang krimen. Homicide ang kasong kinakaharap ni Maj. Peralta.
ARMED FORCES OF THE PHILIPPINES AT NCIP REGION 3
Kasama ang BITAG, hinarap ni Philippine Army Spokesperson na si Lt.Col. Louie Dema-ala at Legal and Investigation Maj. Daniel Laynes ang amang nagrereklamo kasama ang lider ng kanilang tribo. Layunin ng BITAG na alamin kung bakit nagtatago sa kampo ng AFP ang suspek na si Maj. Peralta.
Paliwanag ni Lt.Col. Louie Dema-ala, naka-detain si Major Albert Peralta sa kanilang Custodial Center na isa ring kulungan para sa mga sundalong may mga kasong kinakaharap. Paglilinaw ng AFP, hindi nila pinuprotektahan ang inirereklamong sundalo. Oras na maglabas ng warrant of arrest ang Civilian Court ay personal nilang isusuko si Maj. Peralta.
Para mapanatag ang kalooban ay sinamahan ni Lt. Col Dema-ala at Maj. Laynes si Tatay Rodolfo sa AFP Custodial Center kung saan nakapiit si Maj. Peralta. Para kay Tatay Rodolfo, hustisya nang maituturing ang makita niyang nakapiit sa rehas ang sundalong pumaslang sa kaniyang anak.
Samantala, nangako naman ang National Commission on Indigenous People Region 3 na aasiste sa kasong ito. Isa sa mga problemang kinakaharap ni Tatay Rodolfo ay ang mga legal na dokumentong hindi nila maintindihan o mabasa. Pangako ni acting Regional Director Atty. Roman, ang NCIP Region 3 na mismo ang tututok sa kasong Homicide na isinampa nila Tatay Rodolfo at Cyberlibel na ikinaso laban sa kaniyang anak na babae. Magpapasama ng representate at abogado ang NCIP Region 3 para tutukan ang kasong ito.
Hindi dito natatapos ang imbestigasyon ng BITAG. Patuloy naming tututukan ang progreso ng kaso.
Panoorin ang aktuwal na imbestigasyon ng BITAG: https://youtu.be/HrnPG_9Qc4g