ISANG DEKADANG BIHAG SA ISLA NG JOLO, SULU

INAABUSO, PINAGDO-DROGA, PINANGINGISDA

Human Trafficking, Modern-Day Slavery at Illegal Recruitment mga kaso ng panga-abuso at panloloko na ‘di aakalaing nagaganap pa sa panahon ngayon.

Sa kabila ng napakaraming batas na umiiral sa Pilipinas, nangyayari pa ang ganitong katinding krimen sa malalayong lugar sa bansa. Malayo sa mata ng mga otoridad, malayo sa totoong buhay.

Pero ang lahat ng krimeng ito, nagaganap at nabunyag sa isang malayong isla sa Jolo, Sulu. Ang mga biktima, mahihirap na Pilipinong nilinlang, binihag at pinagdroga ng mahigit isang dekada sa isla.

ANG MGA BIKTIMA AT MALAGIM NAKARANASAN
128 biktima ang narescue ng Women and Children Protection Center (WCPC) – Mindanao Field Unit ng Philippine National Police. Tinawagan ng mga otoridad ang BITAG upang opisyal na idokumento ang isinagawang rescue operation.

Sa Zamboanga City, sinalubong ng BITAG Investigative Team ang mga biktima at WCPC-PNP Mindanao Field Unit mula Jolo, Sulu.

Ang mga biktima ay nirecruit mula Cebu, Bohol, Samar, at Zamboanga. Pinangakuan ng mga recruiter ng magandang kabuhayan at malaking kita sa pangingisda. Nag-iwan ng malaking halaga sa kanilang mga pamilya upang payagan sa alok na trabaho.

Sadyang hindi pinadaan ng mga recruiter sa Barangay o saanmang otoridad ang pagkuha ng mga manggagawang dadalhin sa isla. Sa paraang ito, hindi mate-trace ng otoridad ang kinaroroonan ng mga biktima.

Sa isla, samu’t-saring panga-abusong pisikal at seksuwal, pananakit, pilit na pagpapatrabaho at pagdodroga ang naranasan ng mga kumagat sa silo ng mga recruiter.

“Hindi na po ako nagdalawang-isip dahil may sakit ang anak ko at wala akong trabaho noon. Ang nasa isip ko lang ay mapagamot at mabigyan ng magandang buhay ang aking pamilya. Pagdating ko sa isla, diretso sa laot. Pilit nila akong pinagamit ng droga para daw magising ako.” 

– Alyas Amir, 36-taong gulang, mula Zamboanga City

“Impyerno ang isla. Hindi ko na mabilang kung ilang beses akong binugbog kapag kaunti lang ang huli. Palagi akong tinututukan ng baril at tinatakot na papatayin.”

– Alyas Rene, 43-taong gulang, mula Bohol

“Maaawa ka sa mga bata. Ginagalaw sila ng mga amo. Wala kaming paraan magsumbong dahil malayo ang isla at wala kaming cellphone.”

– Alyas Gemma, 40-taong gulang, mula Cebu_

“Gusto sana namin kasi naghahanapbuhay kami pero pinahirapan nila kami. Sobrang pahirap ang ginawa nila sa amin. Gusto nila pahirapan kami para yumaman sila.”

– Alyas Manuel, 50-taong gulang, mula Cebu

“Alas dose ng gabi,ginising ako para utusan. Pinalo niya ako bigla,wala naman ako kasalanan. Kaya Hindi ako lumaban sa kanya kasi, naisip ko papatayin niya ako.”

– Alyas Richard, 38-taong gulang, mula Bohol

Ilan sa mga biktima, kasama ang kanilang asawa’t mga anak. Lahat sila, sapilitang pinagtatrabaho, sinasaktan, pinagdodoroga at binihag sa isla mula 7 hanggang 13-taon.

Isa sa kanila, nakatakas at agad nakapagsumbong sa otoridad kaya matagumpay na naisagawa ang malaking joint government rescue operation na pinangunahan ng Children Protection Center (WCPC) – Mindanao Field Unit ng PNP kasama ang iba’t-ibang ahensiya ng gobyerno.

LIHIM NG ISLA TUBALUBAC SA JOLO SULU
Ang Tubalubac ay isa sa 400 na maliliit at tagong isla sa Jolo, Sulu Apat na oras ang biyahe sa barko mula sa pinakabayan ng probinsiya. 

Pangingisda ang pangunahing kabuhayan kung saan ang mga huling isda sa isla ay binebenta sa buong Munisipalidad ng Jolo, Sulu at iba pang karatig-probinsiya nito.

Sa islang ito dinala at binihag ang mga biktimang nirecruit pa mula sa iba’t-ibang probinsiya sa Visayas at Mindanao upang gawing mga mangingisda.

Sa sobrang liblib ng isla, walang anumang uri ng komunikasyon ang mga tao. Tanging ang mga “boss” lamang ang may hawak na mga radyo upang makapagtimbrehan.

Sa salaysay ng mga biktima 7 hanggang 13 taon silang bihag sa isla. Walang sahod, kapiranggot na pagkain. Higit sa lahat, hindi sila maaaring umalis ng isla.

Para makayanan ang hirap sa buong araw at magdamag na pangingisda, pilit silang pinagagamit ng bawal na gamot. Kapag marami ang huling isda, may pagkain sila. Subalit, kapag kakaunti ang huli gutom ang kanilang inaabot.

Mapanganib ang estilo ng kanilang pangingisda. Gamit ang compressor, hangin lamang mula sa hose ang ginagamit sa ilalim ng dagat para sumisid. Walang anumang tamang kagamitan o safety gear.

Ang paslit na anak ng mga biktima, sapilitan ding pinagtatrabaho. Ang mga bata ang tagabilad ng isda na ibinebenta ng mga “boss” ng isla. Ang masaklap, ang mga batang babae ay ginagahasa ng mga “boss” ng isla.

Ganito ang araw-araw na buhay ng mga biktima sa Tubalubac Island. Islang pinanggagalingan ng mga kakaiba at magagandang laman-dagat. Subalit may nakakarimarim na lihim na nagaganap sa buhay ng mga residente dito.

ANG MASTERMIND, ANG BOSS AT ANG SUSPEK
Nakatakas ang itinuturong lider at pangunahing suspek nang isagawa ang rescue operation. May nagtimbre umano sa radyo na papunta na ang mga otoridad sa isla para sagipin ang mga biktima.

Si Amirul, 60 anyos, sinampahan ng kasong Labor Trafficking, Debt Bondage, Illegal Recruitment, at Statutory Rape.

Noong January 18, 2024, naglabas ang Regional Trial Court ng Jolo, Sulu ng Warrant of Arrest laban sa kanya.

Subalit hanggang sa ngayon, nananatiling malaya ang WANTED na si JAMMANG AMIRUL.

Pagmasdang maigi ang larawan ng wanted na si JAMMANG AMIRUL. Maaaring lumilibot muli sa iba’t ibang probinsiya ang kriminal na ito upang maghanap ng mga bagong ire-recruit.

Kung namataan niyo o kayo ay may impormasyon sa kinaroroonan ng suspek, makipag-ugnayan agad sa BITAG o sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya.

Ang aktuwal na operasyon ng pagsagip sa mga biktima, panoorin sa : https://youtu.be/aM1GtodhnLk?si=v_9dh5xogLfVyR7U