(Unang Bahagi)
Gabi ng May 31, 2025, habang naghahapunan sa isang restaurant sa Clark, Pampanga, nilapitan si Ben BITAG Tulfo, ng grupo ng mga Katutubong Aeta. Sa gitna ng ulan, ikinukuwento nila ang mga problemang kinakaharap sa kanilang mga lupang pag-aari.
Sumbong nila, sapilitan daw silang pinapa-alis sa kanilang lugar dahil sa mga korean investors. Wala daw ginagawa ang lokal na pamahalaan sa kanilang sitwasyon. Ang matindi, ang kanila mismong Indigenous People Mandatory Representative (IPMR) sa ilalim ng pangangasiwa ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) ang mismong kontak ng mga Korean Investors.
ANG TRIBONG AETA MULA MABALACAT, PAMPANGA
June 06, 2025 – Lulan ng isang Van, mahigit isang dosenang Aeta mula Mabalacat, Pampanga ang dumating sa tanggapan ng BITAG. Nirentahan nila ang sasakyan upang sabay-sabay at ligtas na makaabot sa ipaBITAGmo Help Desk.
Personal silang hinarap ni Ben BITAG Tulfo at matiyagang pinakinggan ang kanilang mga hinaing.
Anila, hindi raw sila nababahagian sa pera na ibinibayad ng mga dayuhang investors na umookupa sa kanilang Ancestral Domain. Inirereklamo ng mga Katutubong Aeta ang kanilang inihalal na IPMR or Indigenous People Mandatory Representative. Imbes daw na ang kapakanan nila ang asikasuhin, nangunguna pa raw ito na tanggalan sila ng karapatan sa kanilang mga lupain.
Ang dahilan, wala daw karapatan ang mga tribong nakatira sa “patag.” Tanging mga Aetang nakatira sa “paltok” o “kabundukan” lamang ang mga tunay na nagmamay-ari sa loob ng Ancestral Domain.
REPUBLIC ACT 8371 o INDIGENOUS PEOPLES RIGHTS ACT OF 1997 (IPRA)
Ang Republic Act 8371 o Indigenous Peoples Rights Act of 1997 (IPRA) ang batas na kumikilala, pumoprotekta at nagtataguyod ng mga karapatan ng mga katutubo sa buong bansa. Napapaloob sa IPRA na ang mga katutubo ang siyang nagmamay-ari ng mga lupaing tinaguriang “Ancestral Domain.” Ang Ancestral Domain ay hindi maaaring ibenta. Maaari itong rentahan sa mga usaping pag-unlad ng komunidad subalit, hindi pwedeng sirain kundi dapat pangalagaan at pahalagahan.
Nakapaloob din sa IPRA na bawat rehiyon ay may itatalagang Indigenous People Mandatory Representative (IPMR) sa paraang gugustuhin ng mga katutubo. Responsibilidad ng IPMR na makipag-ugnayan, humingi ng gabay at pakinggan ang lahat ng bagay na may kinalaman para sa kapakanan at karapatan ng kaniyang mga kapwa-katutubo.
Ang problemang nadiskubre ng BITAG, sumasahod ang IPMR sa tanggapan ng lokal na pamahalaan kung saan ang kaniyang lumalabas na pananagutan ay hindi sa mga kapwa-katutubo kundi sa Punong Bayan.
AKTUWAL NA IMBESTIGASYON
Sa inisyal na imbestigasyon ng BITAG Investigative Team sa pangunguna ni BITAG Next Generation Carl Tulfo, personal na tinungo ang Ancestral Domain ng mga nagrereklamong katutubong Aeta sa Mabalacat, Pampanga.
Sumbong ng mga nagrereklamong Aeta, nagsimula raw ang problema nang maitalagang IPMR si Ruvielane Margarito. Taong 2023, nagkaroon ng eleksiyon sa Marcos Village, Mabalacat Pampanga para sa magiging IPMR o Indigenous Peoples Mandatory Representative ng mga katutubong Aeta.
Subalit nang hindi nakarating sa tamang oras ang katunggali ay agaran daw isinarado ang eleksiyon at prinoklamang panalo si Ruvielane. Hindi na raw ito nailaban ng mga Katutubong Aeta dahil mismong ang National Commission on Indigenous People (NCIP) ang nagproklama.
Ayon sa mga katutubong Aeta, makapangyarihan ang posisyon ni Ruvielane. Nagagawa daw makalabas-masok ng mga dayuhang investors partikular ang mga Korean Nationals na maglabas-masok ng kanilang Ancestral Domain. Tumatanggap umano ang kapatid ni Ruvielane na isang Pastor ng mga donasyon mula sa mga Korean nationals. Katakataka rin daw ang madalas na pagtatravel abroad ni Ruvielane lalo sa South Korea.
May bayaran pa umanong nagaganap kung saan, pinipili lamang ang mga katutubong Aeta na bnibigyan ng pera. Ang pinaka pinangangambahan ng mga nagrereklamo, umabot na sa pananakot para ibenta ang kanilang lupa. Pwersahan na umano silang pinapa-alis at kung magmamatigas – buhay ang magiging kapalit.
NATIONAL COMMISSION OF INDIGENOUS PEOPLE (NCIP)
Nakipag-ugnayan ang BITAG Investigative Team kasama ang ipaBITAGmo Inc. ang aming non-government organization (NGO) partner sa National Commission on Indigenous People Region 3. Humarap si Acting regional Director Atty. Roman.
Napag-usapan sa pagpupulong ang pangunahing inirereklamo ng mga Katutubong Aeta na pagmamalabis, panga-abuso at pagpapabaya ng kanilang IPMR na si Ruvielane Margarito.
Hiniling ng NCIP Region 3 na makausap ang mga katutubong aeta upang pormal na makapagreklamo at maipatawag si Ruvielane sa tanggapan.
Malaking katanungan sa BITAG kung bakit sa lokal na pamahalaan kumukuha ng sahod si Ruvielane at hindi sa NCIP. Ayon kay Atty. Roman, dahil ito sa Republic Act 7160, ang Local Government Code o ang tinatawag na “devolution.” Dito, aminado si Atty. Roman na mas malakas ang pananagutan ni Ruvielane sa lokal na pamahalaan kumpara sa kanila sa NCIP.
Hindi rin alam ng NCIP Region 3 na bumibiyahe pa-abroad si Ruvielane lalo pa-South Korea. Sa kaalaman umano ng NCIP Region 3, pinagu-usapan pa lamang ang mga interesadong Korean Investors na mangungupahan sa Ancestral Domain ng mga katutubo. Nanindigan siyang hindi maaaring ibenta ang anuman sa mga lupaing ito.
Naiset ang isang schedule sa paghaharap ng mga nagrereklamong Aeta, inirereklamong IPMR na si Ruvielane Margarito, NCIP Region 3, Department of Interior and Local Government Region 3, BITAG at ipaBITAGmo (NGO).
Tumangging makipagkita si Ruvielane sa tanggapan ng NCIP Region 3. Bagkus, hinamon ni Ruvielane ang BITAG. Kung nagawa daw puntahan ng BITAG ang mga katutubo sa kanilang lugar, magagawa din daw siyang bisitahin sa kaniyang opisina.
Pinagbigyan ni Ben Tulfo ang kahilingang ito ni Ruvielane. Abangan ang mga maiinit na kaganapan sa Part 2. https://youtu.be/jTbvDJ-xFII