Binigyan diin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kahalagahan ng pagiging listo ng publiko kontra terorismo kasunod ng serye ng karahasan sa Masbate nitong mga nakaraang araw.
Sa kanyang social media account Huwebes (Marso 23), ipinahayag ni Marcos ang kanyang pagkabahala isang araw matapos muling magkaroon ng sagupaan sa pagitan ng mga rebelde at sundalo.
“We are deeply concerned over the incidents of violence in Masbate which had traumatized the affected civilians who were generally school children and their teachers,” saad ni Marcos sa kanyang Twitter account.
“This just demonstrates that although we have made much progress in the fight against the Communist Terrorists Groups, we must be continuously vigilant so that such murderous abuses are avoided in the future,” dagdag pa nito.
Marso 22, araw ng Miyerkules nang sumiklab muli ang isang bakbakan sa pagitan ng gobyerno at umano’y mga miyembro ng New People’s Army (NPA) malapit sa Locso-an Elementary School sa Barangay Locso-an.
Marso 20 naman nang unang magkaroon ng engkwentro ang dalawang grupo sa Barangay Villahermosa na nagresulta sa pagkasawi ni Corporal Antonio Parreño Jr. ng 2nd Infantry Battalion.