NAGNAKAW NG BIIK, NANLABAN SA PULIS DEDO!

Patay ang isang 32-anyos na lalaki sa Davao City matapos manlaban sa mga pulis na tumugis sa kanya dahil sa pagnanakaw ng dalawang pirasong biik.

Naisugod pa sa ospital ang suspek na si Vicente Gabin, pero binawian din ito ng buhay dahil sa tama ng bala sa dibdib.

Ayon sa ulat ng Baguio District Police Station, bago ang engkwentro,  nakatanggap sila ng report hinggil sa panloloob sa isang bahay na ninakawan ng dalawang biik.

Ninakaw umano ng napatay na suspek ang dalawang biik at isinilid sa sako.

Mabilis itong tumakas sakay ng motorsiklo patungo sa direksyon ng Barangay Tawan-tawan, Baguio District.

Saktong naabutan umano ito ng mga rumespondeng operatiba sa Purok Pinya, Barangay Wines dahil na-flat ang gulong ng kanyang sasakyan.

Nang akmang lalapitan na ito ng mga pulis, agad umanong bumunot ng baril ang suspek at pinaputukan ang operatiba.

Nagkaroon ng palitan ng putok hanggang sa mapuruhan ang suspek sa dibdib.

Isinugod pa sa Isaan T. Robillo Memorial Hospital sa Davao City si Gabin, pero agad din itong binawian ng buhay.

Narekober sa kanya ang isang .38 caliber na rebolber, isang motorsiklo, dalawang biik na nakasilid sa sako, at isang sling bag na naglalaman ng ‘diumano’y limang pakete ng hinihinalang marijuana.

0
Would love your thoughts, please comment.x
()
x
0
Would love your thoughts, please comment.x
()
x