Nauwi sa pananakit ang “no sticker, no entry” policy ng isang subdivision sa Quezon City.
Nag-viral pa sa social media ang video kung saan nakita ang pananakit at paninipa ng isang sekyu ng Greenheights Subdivision sa biktimang si Jayson Lim.
Sumbong ni Lim kay Ben “BITAG” Tulfo sa programang #ipaBITAGmo, pinuntahan niya sa gate ng subdivision ang boyfriend ng kanyang anak matapos hindi papasukin ng mga guwardiya dahil walang sticker ang bisikleta nito.
“Nakikiusap po ako sa guwardiya na papasukin ang bike na walang sticker kasi papa-stickeran ko na yung bike nung araw na iyon,” pahayag ni Lim.
Ngunit sa kabila ng pakiusap, hindi pa rin pinayagan ng gwardiya na makapasok ang bisikleta. Aminado si Lim na nakapagsalita siya ng hindi maganda sa on-duty guard na si Renze Maestral dahilan para maging bayolente ito.
Nakausap ni Tulfo ang Officer in charge ng security ng subdivision na si Aldom Larobes. Sinabi nito na may pagkakamali ang kanilang gwardiya. Agad rin daw nila itong sinuspinde.
“Ang mga gwardiya po ay nagpapatupad ng mga patakaran sa loob ng subdivision at may sinusunod po sila. Wala po masama ang pagsunod sa mga patakaran ng subdivision ang hindi tama kapag gumamit na tayo ng dahas, lumalagpas na sa tungkulin bilang mga security guard,” wika ni Tulfo.
Hindi pwede itong mga gwardiya natin na parang akala mo mga sanggano na ilalagay po sa sinasabing kautusan ng subdivision illegal po yung pananakit,” dagdag pa ni BITAG.
Pinayuhan naman ni Tulfo si Lim na magsampa ng kaso sa inirereklamong sekyu at pinagsabihan na mag-ingat sa pagbibitaw ng mga salita.
“Ikaw ang nag-instigate, inudyok mo yung guwardiya na magalit sa’yo dahil may pabalang ka na salita. Nagbitiw ka ng salita na hindi maganda, yun ang naging mitsa.
Mag-iingat ka baka sa susunod, pag hindi ka napunta sa pagamutan, pinakamalas, mapupunta sa kulungan,” paalala ni Tulfo.
