Sampung bilyong pisong halaga ng mga pekeng signature bags at mga sapatos ang kinumpiska ng Bureau of Customs (BOC) sa isinagawang raid sa isang storage facility sa Binondo, Manila noong Martes, Peb. 28.
Ayon kay BOC Commissioner Bienvenido Rubio, isinagawa ang operasyon sa pangunguna ng Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP) matapos makarating sa kanila ang isang intel ukol sa mga pekeng produkto.
Sinugod ng mga ahente ng CIIS-MICP, kasama ang mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police (PNP), at Philippine Coast Guard (PCG) ang nasabing pasilidad sa bisa ng isang Letter of Authority na nilagdaan ni Rubio.
“Upon inspection of the warehouse, the team found imported assorted clothing apparel, shoes, general merchandise, kitchenware, electronics, and beauty products,” wika ni Rubio.
“These counterfeit items infringe trademarks, such as Nike, Coach, Adidas, Guess, Louis Vuitton, Dior, and Gucci, among others,” dagdag niya.
Dahil dito, pansamantalang ikinandado ng mga awtoridad ang warehouse habang iniimbentaryo ang mga pekeng produkto.
Ayon kay Deputy Commissioner Juvymax Uy ng BOC Intelligence Group, patuloy ang kanilang ginagawang pagpapaigting laban sa ilegal na pagpasok ng mga kontrabando at pekeng mga produkto sa bansa.