Pinangunahan nina PAGCOR Chairman at CEO Alejandro H. Tengco (ikatlo mula kaliwa) at Ad Standards Council (ASC) Chairperson Golda Roldan (ikalawa mula kaliwa) ang paglagda sa Memorandum of Understanding na layong isulong ang responsableng mga patalastas ukol sa sugal. Kasama nila sina PAGCOR Assistant VP for Gaming Licensing and Development Ma. Vina Claudette Oca (dulong kanan) at ASC President Anna Locsin (dulong kaliwa).
Lumagda sa isang Memorandum of Understanding (MOU) ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Ad Standards Council (ASC) nitong Martes, Hulyo 16, para sa regulasyon at pre-screening ng mga patalastas na may kaugnayan sa sugal sa lahat ng media platforms.
Pinangunahan nina PAGCOR Chairman at CEO Alejandro H. Tengco at ASC Chairperson Golda Roldan ang ceremonial signing sa PAGCOR Corporate Office sa Pasay City.

Sa ilalim ng kasunduan, isasama ng ASC ang gambling sa listahan ng mga kategoryang kailangang dumaan sa masusing pagsusuri bago mailabas, tulad ng alcoholic beverages, over-the-counter medicines, food supplements, airline at transport services na mayroong promotional fares, at breast milk substitutes.

Ayon kay G. Tengco, ang kasunduan ay resulta ng siyam na buwang pagpaplano at koordinasyon, at hindi basta tugon lamang sa mga puna laban sa illegal online gambling at unregulated advertising.
“Almost a year ago, we began initial talks about this initiative. Today, we are gathered here to formally sign this agreement so that we can immediately execute everything we committed to in this Memorandum of Understanding,” dagdag niya.
Batay sa MOU, lahat ng branded o corporate gambling advertisement, para man sa telebisyon, radyo, online, o outdoor platforms, ay kailangang ipasuri at aprubahan muna ng ASC bago ito mailabas sa publiko. Layon nitong maiwasan ang mga patalastas na maaaring magbigay ng maling impresyon at maprotektahan ang mga sektor ng lipunan na madaling maimpluwensyahan.
“Simple lamang po ang pinakalayunin natin dito: ang tiyakin na ang mga patalastas ukol sa sugal ay hindi nanlilinlang at hindi nananamantala sa kahinaan ng iba,” ani G. Tengco.
Para naman kay Roldan, pinatitibay ng kasunduan ang pangako ng ASC na pangalagaan ang interes ng mga mamimili, lalo na sa mga industriyang nangangailangan ng mas maingat na paraan ng komunikasyon.
“We stand with PAGCOR in our shared goal of protecting the Filipino people, especially in sectors like gambling where communication requires greater sensitivity and care,” aniya.

Kamakailan, naglabas ng direktiba ang PAGCOR para sa agarang pagbabaklas ng lahat ng gambling-related billboards at out-of-home ads, kabilang ang mga nasa bus, jeep, taxi, at tren. Binigyan ng hanggang Agosto 15 ang mga licensees at stakeholders para sumunod sa kautusan.