(Ikalawang Bahagi)
ARAW NG PAGHAHARAP
September 30, 2025 – araw na itinakda ng pagharap ng inirereklamong Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR) na si Ruvielane Margarito at mga nagrereklamong Tribong Aeta ng Mabalacat, Pampanga. Sa pangunguna ni Ben BITAG Tulfo kasama ang BITAG Investigative Team at ang IpaBITAGmo (NGO), dumalo din sa paghaharap ang National Commission on Indigenous People (NCIP) Region 3 at Department of Interior and Local Government (DILG) Region 3.
Bago umabot sa tanggapan ni Ruvielane, mainit na sinalubong ang grupo ng BITAG ng mga katutubong Aeta na kasalukuyang nasa tanggapan ng IPMR.
ANG MGA REKLAMO LABAN SA IPMR NA SI RUVIELANE MARGARITO
Unang isyu: Nakapaloob sa NCIP Administrative Order No. 1, Series of 2021, Section 15. Compensation and Benefits, ang IPMR ay sumasahod at kumukuha ng benepisyo mula sa Local Government Unit (Munisipyo o City Hall). Dahil dito, malaking katanungan sa BITAG kung kanino ang pananagutan at responsibilidad ni Ruvielane bilang IPMR: sa mga nirerepresenta niyang katutubo? Sa NCIP na ahensiyang nangangalaga sa karapatan at kapakanan ng mga katutubo? O sa Lokal na Pamahalaang nagpapasahod sa kaniya.
Habang ipinagtatanggol ang kanilang Mayor ay matigas na pinangatawanan ni Ruvielane na ang kaniyang obligasyon at pananagutan ay ang mga kapwa daw niya katutubo.
Ikalawang isyu: Inaakusahan ng mga katutubo ang IPMR na si Ruvielane na contact ng mga Korean investors kung saan malayang nakakalabas-masok sa kanilang Ancestral Domain. Anila, hindi na umano dumadaan sa mga lider ang schedule ng pagbisita ng mga Korean investors. Si Ruvielane din umano ang kumukumbinse sa mga kasamahan nilang katutubo na ibenta ang kanilang lupain para sa mga dayuhan. Tumatanggap din daw ang pamilya ni Ruvielane ng mga donasyon mula sa mga Korean investors dahil ang kaniyang kapatid ay pastor ng isang simbahan. Sa katunayan, kapansin-pansin daw ang pagbiyahe at pamamasyal ni Ruvielane sa South Korea.
Inamin ni Ruvielane na nagbakasyon siya ng isang beses sa South Korea, karapatan naman daw niya ito bilang tao. Subalit ayon sa Legal Officer ng DILG Region 3 na si Atty. Jackie Paulino, bilang isang public servant at lider, kailangan niyang limitahan ang mga aksyon na maaaring magdulot ng kalituhan sa kaniyang nasasakupan. Ang pagtanggap din umano ng donasyon sa mga dayuhang umiikot sa kanilang lugar ay maituturing na conflict of interest, dahilan na maaari niyang ikatanggal.
Dagdag din ni NCIP Region 3 Director Atty. Roman Antonio, bilang representante ng mga katutubo, dapat magpakumbaba si Ruvielane. Alam niya ang hirap sitwasyon ng mga katutubo na kaniyang nasasakupan, hindi dapat ipangalandakan ang mga ganitong oportunidad. Bilang IPMR na sumasahod sa lokal na pamahalaan mula sa kaban ng bayan, obligasyon niyang sumagot at ipaliwanag ang mga akusasyon laban sa kaniya.
Ikatlong isyu: Ilan sa mga nagrereklamong lumapit sa BITAG ay kasapi ng tinatawag na Migrant Aetas. Sila ‘yung mga katutubong Aeta na sapilitang lumipat ng Ancestral Domain dahil sa progreso na kailangang okupahin ang kanilang orihinal na lugar o ‘di naman kaya ay dahil sa sakuna o dislocation. Ani ng mga nagrereklamo, hindi raw maaaring magkaroon ng paga-ari ang mga tinaguriang Migrant Aetas. Limitado din ang kanilang karapatan kumpara sa mga orihinal na nakaokupa sa isang Ancestral Domain.
Nagulantang ang lahat ng biglang umeksena ang ina ni Ruvielane. Kinukuwestiyon ang BITAG kung bakit inirereklamo ang kaniyang anak. Inakusahan din nito na hindi patas ang imbestigasyon ng BITAG dahil mas kinakampihan umano ang mga nagrereklamong Aeta.
Sa galit ng ina ni Ruvielane ay nadulas ito – nasabi niyang totoong tumatanggap ng donasyon ang kanilang pamilya mula sa mga Korean Investors. Dito nagdesisyon si Ruvielane na palabasin ng kaniyang opisina ang inang umaatungal.
FACE TO FACE: BATUHAN NG AKUSASYON AT DEPENSA
Isa sa mga lider na humarap sa pagpupulong ay si Esterlita Laxamana. Aniya, hindi raw isinama ng Ruvielane ang kaniang “clan” sa listahan ng mga lehitimong land owner. Depensa ni Ruvielane ay dahil hindi gumawa ang kanilang tribo ng resolusyon para mapasama sa listahan. Subalit nakita ng NCIP na hindi maayos na naipapaliwanag ni Ruvielane ang tamang proseso at mga kakailanganing dokumento para maisama ang isang “clan” sa listahan ng mga nagmamay-ari ng lupa sa Ancestral Domain.
Ikalawa ay si Danny Laxamana, tinanggalan daw siya ni Ruvielane ng karapatan sa kanilang lupa. Bilang isa sa mga pinakamatandang katutubong Aeta sa Mabalacat, nararapat lamang daw siyang kilalanin at ilagay sa listahan ng mga lehitimong may-ari ng lupa. Paliwanag ni Ruvielane, ayaw siyang kilalanin ni Laxamana bilang IPMR, hindi ito pumupunta sa mga patawag. Kaya ang pangalan ng pamangkin ng nagrereklamo ang nasa listahan.
Ikatlo, panga-agaw ni Ruvielane ng lupa kung saan nakatayo ang simbahan ng kapatid nitong pastor. Ayon kay Sancho Sanchez, matagal na niyang pinepetisyon na nasa kanilang pamilya ang paga-ari ng lupang kinatatayuan ng simbahan subalit hindi pinapansin ng tanggapan ni Ruvielane ang reklamo. Hindi rin nakaabot sa NCIP ang problemang ito.
Napagdesisyunan na muling magsusumite ng mga dokumento ang mga nagrereklamong biktima sa NCIP. Bibigyan nila ng kopya ang BITAG upang siguraduhing nasunod ang tamang proseso mula pagsumite ng mga dokumento, dayalogo at pagbaba ng desisyon.
JOINT MANAGEMENT AGREEMENT
Maliban sa mga reklamong ipinaabot ng mga katutubong Aeta, isang mas malaking problema ang natuklasan ng BITAG sa imbestigasyong ito.
Ang Joint Management Agreement (JMA) ng Tribong Ayta Aeta sa Mabalacat, Pampanga, NCIP Region 3 at Clark Development Corporation (CDC). Nasasaad sa kontrata na ang CDC ang siyang mamamahala at maga-apruba ng mga proyektong papasok sa loob at ookupa ng Ancestral Domains ng mga katutubo. Kaya naman, 80% ng kita sa mga proyektong ito ay mapupunta sa CDC at tanging 20% lamang ang ibabayad sa mga Aeta.
Taong 2007 naganap ang pirmahan ng kontratang ito. Ang masaklap, hindi pa nakukuha ng mga katutubo simula noon ang 20% kita para sa kanila. Ani ng NCIP, umabot na sa 35-milyong piso ang dapat bayaran ng CDC sa mga katutubo.
SENADO AT NCIP CENTRAL, MGA INUTIL
Nakakapagtakang na-execute ang JMA sa pagitan ng mga katutubo, NCIP at CDC. Mismong NCIP, hindi pumalag sa kondisyon ng CDC sa hatian ng kita. Hanggang sa kasalukuyan, walang maririnig sa NCIP Central Office sa problemang ito ng mga katutubong Aeta sa Mabalacat, Pampanga.
Samantala, taong 2022 nang humingi ng tulong ang NCIP-Region 3 at mga katutubong Aeta sa tanggapan ni Senator Robinhood “Robin” Padilla, Chairman ng Committee on Cultural Communities and Muslim Affairs. Nakipagdayalogo ang senador sa mga nagrereklamo. Pangako nito, maghintay at ipapatawag ang mga personalidad na sangkot sa isyu. Subalit hanggang sa kasalukuyan, wala pang narinig ang NCIP Region 3 at mga katutubo sa tanggapan ni Senator Robin Padilla.
Sinubukan rin ng BITAG na makipag-ugnayan sa tanggapan ni Sen. Padilla para sa solusyon at tuldukan ang mga hinaing ng mga katutubo. Habang sinusulat ang artikulong ito, hindi pa pinaunlakan ni Sen. Padilla ang aming imbitasyon na interview o dayalogo kasama ang mga katutubo. Simula a-24 ng Setyembre 2025, isang buwan na ang nakalipas, dalawang sulat na ang pinadala ng BITAG at panawagan sa mga programa sa telebisyon – tikom pa rin ang bibig ng Committee on Cultural Communities and Muslim Affairs.
Abangan ang ikatlong bahagi ng storyang ito. Panoorin ang pangalawang bahagi: https://youtu.be/jTbvDJ-xFII?si=jez7aUSijwUJynS1