Sinalakay ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 12 ang isang marijuana plantation sa kabundukan ng Barangay Tablu, Tampakan, South Cotabato nitong Lunes.
Tinatayang aabot sa 21,000 full-grown marijuana plants na ‘di bababa sa P4.2 milyong halaga binunot at sinunog ng mga awtoridad. Kasama ng PDEA Region 12 ang PDEA Sarangani Provincial Office, Tampakan Municipal Police Station, South Cotabato Provincial Police Office at 73rd Infantry Battalion ng Philippine Army.
Ayon sa PDEA Region 12, isinumbong ng mga residente ng Barangay Tablu ang may-ari at cultivator ng marijuana na kinilalang si Yatan Piang na kasalukuyang at-large.
Nagkasa na ng manhunt operation ang mga awtoridad laban sa suspek na nahaharap sa kasong Section 16 (Cultivation of Dangerous Drugs), Article II ng Republic Act 9165.