SARILING ANAK PINAHAMAK NG INA SA GURANG NA AUSTRALYANO

June 24, 2025 – Isang nakakabahalang sumbong mula Dasmariñas, Cavite ang nakaabot sa ipaBITAGmo (IBMI) HELP DESK. Ang single mother na si alyas “Rowena,” matiyagang nag-antay at pumila makausap lamang ang host ng programa sa telebisyong #ipaBITAGmo na si Ben Tulfo. 

Ang kaniyang reklamo, sapilitan umanong kinuha ng mga social worker ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) ng Dasmariñas, Cavite ang kanyang 9-taong gulang na anak na babae.

Naging palaisipan sa IBMI Help Desk ang dahilan ng pwersahang pagkuha ng mga social workers ng gobyerno sa kaniyang paslit na anak. 

Dahil dito, agad bumuo ng investigative team si Ben Tulfo upang alamin ang katotohanan sa reklamo ni Rowena. Ang BITAG Next Generation ang itinalagang mag-imbestiga sa kasong ito.

INISYAL NA IMBESTIGASYON
June 26, 2025 – Dalawang araw matapos manggaling ni “Rowena” sa ipaBITAGmo Help Desk, binisita siya ng BITAG Next Generation (BNG) Investigative Team para magsagawa ng initial investigation. Kailangang makakuha ng detalye ang grupo na may kinalaman sa sumbong ni Rowena.

Dito nagsimulang magkuwento ang ina. Taong 2023, buwan ng Enero ay sumali sa isang online dating site si Rowena.  Nakilala niya ang isang 65-anyos na Australian citizen na si Allan, isang retiradong bombero.

 

Nagkapalagayan umano sila ng loob at dala ng palagiang pagu-usap ay naging virtual boyfriend niya ang Australyano. Tila seryoso naman si Allan kay Rowena dahil dalawang beses itong bumisita sa Pilipinas.  

Sa mga pagbisitang ito, naging malapit si Allan sa dalawang anak na babae ni Rowena, lalo na sa kanyang bunsong anak na babaeng 9-taong gulang. 

Ang isa na sanang dream come true na pamilya ni Rowena, gumuho noong March 27, 2025. Patagong kinuha ng mga social worker ng Dasmariñas, Cavite ang kaniyang bunsong anak habang nasa eskuwelahan ito.

AKTUWAL NA IMBESTIGASYON
Nakipag-ugnayan ang BNG Investigative Team sa mga ahensiya ng gobyerno upang makakuha ng mga mas malalim na impormasyon sa kasong ito.

Idinitalye sa BITAG ng hepe ng Women’s and Children Protection Center (WCPC) ng Camp Crame ang kanilang partisipasyon sa pagbawi ng kustodiya sa ina ng 9- taong gulang na anak ni Rowena.

Anila, isang report ang ipinadala sa kanila ng Australian Federal Police (AFP). Sa report ng AFP, ang boyfriend ni Rowena ay nahulihan ng “abusive materials” sa cellphone. At sa kanilang patuloy na pagmomonitor, napag-alamang mismong ang inang si Rowena ang nagpapadala sa Australyano ng mga sensitibong larawan at video ng kaniyang bunsong anak na babae.  

Agad ikinasa ng WCPC katuwang ang CSWDO ng Dasmariñas, Cavite ang isang “rescue operation.” Pansamantalang ihihiwalay ang bata sa kanyang ina, na siyang itinuturing na suspek sa kasong pang-aabuso.

Sunod na nakipag-ugnayan ang BITAG kay Department of Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian. Nilinaw niya ang konsepto ng “protective custody.” Paliwanag ni Sec. Gatchalian, maaaring tumayo ang estado bilang magulang ng mga batang hindi kayang ipagtanggol ang sarili, lalo na kung sila ay biktima ng pang-aabuso.

Dahil sa mga ebidensyang nakalap ng mga otoridad, kinasuhan si Rowena at ang kanyang Australian boyfriend ng paglabag sa Republic Act 11930 o Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children at Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.

Bagamat kinasuhan, patuloy na umaapela si Rowena na mabawi sa gobyerno ang kustodiya ng kaniyang bunsong anak.

MGA KASONG PANG-AABUSO, EKSPERTO ANG BITAG
Hindi na bago sa BITAG ang ganitong uri ng mga kaso ng pang-aabuso sa mga bata at kababaihan.

Simula pa noong 2006, aktibo nang tinututukan ng BITAG ang mga ilegal na cybercrime activities sa bansa, kabilang ang paglusob sa mga cybersex den. Ang cyber sex den ang lungga ng mga menor de edad – mapalalaki man o babae na pumupuwesto sa harap ng computer at video camera para ipakita ang maseselang bahagi ng katawan. Sila din yung nagpe-perform ng mga malalaswang gawain sa harap ng camera dahil sa tos ng kanilang mga customer.

Mula Luzon, hanggang Visayas at Mindanao – napasok ng BITAG ang mga cyber sex den na ito kung saan ang operator ay mga foreigner. Karamihan sa mga biktima, mismong mga magulang ang nagpasok sa kanilang mga anak sa ngalan ng kita o pera. 

Hindi nabunyag ang mga ganitong iligal na operasyon kung hindi sa sumbong mismo ng mga nakatakas na performer o biktima at agad tumakbo sa BITAG. At sa tulong ng Department of Justice, National Bureau of Investigation, local Philippine National Police at International Justice Mission, naging kasangkapan ang BITAG dahil sa mga kasong tulad nito para mapatibay ang Republic Act 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act.

BABALA SA PUBLIKO LALO SA MGA MAGULANG
Isang babala ang ipinapa-abot ng National Bureau of Investigation para sa publiko lalung-lalo na para sa mga magulang. 


Ayon kay NBI Special Agent Henry Roxas ginagamit ang mga online dating sites ng mga dayuhang “predator” upang humanap ng mabibiktima. “Ang mga abuser at perpetrator, magagaling ‘yan, dalawang hakbang palagi sa unahan. Pino-profile nila ang mga biktima, lalo na kung may batang kamag-anak na maaaring gamitin.” 

Babala rin ni NBI Special Agent Lorelie Baglinit sa mga magulang: “Sa mga magulang na gumagawa ng pang-aabuso sa kanilang sariling anak, darating ang araw na mahuhuli kayo. Hindi pwedeng gawing dahilan ang kahirapan. Ang pag-aabuso sa bata, lalo na ang sexual abuse, ay may mabigat na parusa.”

Ginawa ng BITAG Next Generation ang episode na ito upang magsilbing eye opener para sa publiko, lalo na sa mga magulang. Magsilbing babala din ito na ang anumang uri ng pang-aabuso ay hindi kailanman dapat palampasin.

Sa mga ganitong uri ng panga-abuso, maaring lumapit sa ipaBITAGmo Help Desk, mula Lunes hanggang Biyernes simula alas-8 ng umaga hanggang alas-dos ng hapon. Sa mga biktima, makakakaasa kayong itatago namin ang inyong pagkakakilanlan.

Panoorin ang buong episode dito: https://youtu.be/CtNlDXFnasQ