Muling pinatunayan ng Strong Group Philippines ang kanilang lakas sa hardcourt matapos nitong pataubin ang Al Wahda-Syria sa iskor na 87-61 sa 32nd Dubai International Basketball Championship na ginanap sa Al Nasr Club Hall sa Dubai ngayong araw, Jan 31.
Pinangunahan ng dating NBA player na si Shabazz Muhamadd ang koponan ng Pilipinas matapos nitong kumamada ng 37 points at 11 rebounds.
Nagtala naman 11 points at anim na assists ang Filipino- American na si Sedrick Barefield habang 9 points at 10 rebounds naman ang ambag ng dating PBA import na si Renaldo Balkman.
Umarangkada sa malinis na kartada na 3-0 win loss record ang Strong Group matapos ang pagkapanalo.
Una nang tinalo kamakailan ng Pilipinas ang national team ng UAE sa iskor na 91-87 at Al Nasr ng Libya, 93-76.
“We have been improving every game and this was our best defensive performance,” ani head coach na si Charles Tiu.
“Shabazz carried us offensively, he was great so we kept riding him but the defense was solid today and I am happy.”
Sunod na makakapukpukan ng Pilipinas ang isa pang walang talo na Dynamo mula bansang Lebanon sa Miyerkules.