Isang dekada na ang lumipas nang maipalabas ng BITAG sa telebisyon ang reklamo ng isang Overseas Filipino Worker (OFW) laban sa St. Peter-Paul Medical Clinic sa Ermita Manila. Lumabas sa imbestigasyon ng BITAG noong 2015 na may mga klinikang ginagawang modus ang pagi-isyu ng unfit to work medical result sa mga aplikanteng mangingibang bansa.
July 1, 2025, dumating sa ipaBITAGmo Helpdesk si Shulammite Ventura, 45 years old at taga Zamboanga. Pareho ang kaniyang reklamo’t inirereklamo. Ang St. Peter-Paul Medical Clinic at ang pag-isyu sa kaniya ng unfit to work medical result gayung isa na siyang balik-manggagawa.
Naging palaisipan sa BITAG kung bakit hindi nasolusyunan ng pamahalaan ang problemang ito na nagpahirap sa maraming OFWs. Sa imbestigasyon ng BITAG taong 2015, nangako ang Department of Health (DOH) at ang noo’y Overseas Workers Welfare Administration na gagawa sila ng mga hakbang upang matuldukan ang modus na ito.
Muling binuksan ng BITAG ang kasong ito at nagtalaga ng isang grupo mula sa BITAG Next Generation upang kalkalin ang mga files ng aming imbestigasyon noon. Isa-isa ring inimbestigahan ang mga bagong nagrereklamo.
ANG INIREREKLAMONG KLINIKA
August 5, 2025 – muling binisita ng BITAG Investigative Team ang St. Peter-Paul Medical Clinic sa Ermita, Manila. Sumalubong sa BITAG ang mahabang pila ng mga aplikanteng OFW, naghihintay ng resulta ng kanilang medical exam sa klinika. Naging oportunidad ito sa ilan na magsumbong sa grupo ng BITAG dahil sila din ay nakaranas maisyuhan ng unfit to work ng klinika kahit wala silang anumang karamdamam.
Humarap sa BITAG si Dra. Ava Sanchez, ang Quality Management Representative ng St. Peter-Paul Medical Clinic. Maayos niyang ipinaliwanag kung bakit naa-unfit to work ang isang OFW kahit na malusog ito.
Ayon kay Dra. Sanchez, may mga bansang mahigpit ang patakaran sa pagtanggap ng mga household workers o kung tawagin ay domestic helpers. Pangunahin dito ay ang Gulf Cooperation Council o GCC Countries kung saan ang mga bansang nasa Middle East Region ay kasapi nito tulad ng Saudi Arabia, Bahrain, United Arab Emirates, Qatar, Kuwait at Oman.
Paliwanag ni Dra. Sanchez, kahit peklat sa baga lang ang makita sa medical exam ng isang aplikante, hindi ka papayagang makapagtrabaho sa mga bansang nabanggit. Kung susundin ang standard ng GCC, automatic unfit to work ang sinumang aplikante na may peklat sa baga.
Kung personal na opinyon ni Dra. Sanchez daw ang pagu-usapan, ayaw nilang magbigay ng unfit to work sa sinumang aplikante dahil malaki ang nagagastos ng mga ito bilang requirement ng kanilang pag-empleyo sa bansang papasukan.
Dito inirekomenda ni Dra. Sanchez na dapat unahin ang medical exam bago ayusin ang ibang kailangan na mga dokumento. Sa paraang ito umano, malalaman agad ng isang aplikante kung kwalipikado ba siya sa bansang kanyang pupuntahan. Hindi na kakailanganin pang gastusan ang ibang dokumento kung sa medical exam pa lang ay hindi na ito pasado.
PANAWAGAN NG PAGKILOS
Ayon sa ipaBITAGmo Inc. (IBMI), isang non-government organization na katuwang ng korporasyong BITAG Media Unlimited Inc (BMUI), alam ng Department of Health (DOH) at Department of Migrant Workers (DMW) ang problemang ito.
Alam ng DOH at DMW na mahigpit ang patakaran ng mga bansa sa GCC. Alam din ng mga ahensiyang ito na nakagastos na sa pagkukumpleto ng mga requirement ang bawat aplikante at sa huli, unfit to work ang dahilan para hindi makapagtrabaho sa ibang bansa.
Ang malaking katanungan, ano ang gagawin ng mga ahensiyang ito para hindi maperwisyo ang mga aplikanteng OFW lalo na ang mga balik-manggagawa?
Paliwanag ni Atty. Melanio “Batas” Mauricio Jr., Spokesperson at Ms. Apple Meneses, Executive Director ng IBMI-NGO, walang mailatag na aksiyon o solusyon ang dalawang ahensiya para tuldukan ito.
Nagbigay ng suhestiyon ang IBMI-NGO na dapat unahin sa listahan ng requirement ang medical exam upang oras na malaman na unfit to work ang isang aplikante, hindi na ito dapat mag-aksaya ng gastos at panahon na asikasuhin ang iba pang mga dokumento.
Sinang-ayunan ni DMW Sec. Hans Cacdac ang mungkahing ito. Subalit, aabutin pa daw ng tatlong taon, bago at dagdag na budget upang maisakatuparan ang pagbabago sa prosesong ito.
Handa ang IBMI-NGO at BITAG Next Generation na maging tulay upang marinig ang boses ng mga OFW at mabigyan ng solusyon ang mga pagsubok na kanilang kinakaharap tulad nito.
“Malaki ang kontribusyon ng mga OFW sa ating ekonomiya. Bilyon-bilyong piso o dolyar ang kanilang na ipapasok, dapat lamang silang pakinggan at asikasuhin ang kanilang kapakanan at karapatan,” pagtatapos ni Atty. Batas.
Panoorin ang buong imbestigasyon ng BITAG sa kasong ito. Maging babala at aral sa mga nagnanais na magtrabaho sa ibang bansa, gayundin sa mga balik-manggagawa: https://youtu.be/1YCr-tS1zuc