Malaki ang pagkadismaya ng Jamaican sprinter na si Usain Bolt matapos niyang mapag alaman na $12.7 million na halaga ang nawawala sa kanyang investment account.
Ang naturang investment ay nakalaan bilang bahagi ng retirement at lifetime savings ni Bolt at ng kanyang mga magulang.
Noong nakaraang linggo, hindi raw makapaniwala ang retired Olympic champion nang madiskubre nitong $12,000 na lamang ang kanyang balanse sa investment firm na Stocks and Securities Ltd (SSL) na naka base sa Kingston, Jamaica.
“It’s distressful news for anyone, and certainly in the case of Mr. Bolt, who established this account as part of his private pension,” wika ng abogado ni Bolt na si Linton Gordon.
Sa isang pahayag, sinabi ng SSL na isinangguni na nila sa mga awtoridad ang nangyaring insidente kung saan sinabi nila na isang dating empleyado ng kumpanya ang nasa likod ng panloloko.
Ayon kay Gordon, magsasampa sila ng kaso sa korte laban sa naturang investment firm kung hindi maibabalik ang pera ni Bolt sa loob ng walong araw.
“We will be going to court with the matter” if the company does not return the funds,” ani Gordon.
“It is a grave disappointment, and we are hoping that the matter will be resolved in a way that Mr. Bolt will recover his money and be able to live in peace.”
Si Bolt ay eight-time Olympic gold medal at tinaguriang World’s Fastest Man na may hawak ng pinakamabilis na record sa 100-meter at 200-meter races sa buong mundo.
Siya ay nagretiro noong 2017.