TO SERVE AND PROTECT
Ang kanilang sinumpaang tungkulin sa komunidad – to serve and protect.
Pero paano nga ba kung ang unang lumabag sa batas, ang inirereklamo at ang nambiktima ay pulis o miyembro ng mga otoridad o tagapagpatupad na batas?
Hindi na bago sa BITAG ang mga reklamong pang-aabuso, pananamantala, panloloko o pagbabaya ng mga unipormadong otoridad. Sa loob 24-taon sa larangan ng investigative journalism, marami ng naengkuwentro, kinumpronta at napatanggal ang BITAG na mga pasaway na pulis.
SUMBONG: NANGUPAHAN, NAGPAUTANG, AYAW NG UMALIS NG BAHAY
September 2025, Lumapit Sa Bitag ang senior citizen na si Aurora Abella. Sumbong niya, ayaw daw umalis ng kaniyang tenant na pulis sa kaniyang bahay.
Taong 2022 nang isanla ni Aling Aurora ang kaniyang bahay kay Police Staff Master Sergeant Dexter Maniaul sa halagang 400 thousand pesos. Ang kasunduan, babayaran ni Aling Aurora ang pulis sa hiniram na halaga at bilang tubo ay titira ito ng libre sa kaniyang bahay sa loob ng dalawang taon.
Natapos ang kontrata noong June 2024. Handa na rin ang pambayad ni Aling Aurora sa kaniyang inutang na 400 thousand. Subalit ang pulis, ayaw tanggapin ang bayad ng matanda at ayaw din umalis ng bahay.
DEPENSA NG INIREREKLAMONG PULIS
Umabot ng taong 2025, subalit hindi pa rin tinatanggap ni Police Staff Master Sergeant Dexter Maniaul ang bayad ni Aling Aurora.
Hindi na rin kumportable ang matanda at kaniyang mister sa presensiya ng pulis sa kanilang bahay kaya’t lumapit na ito sa BITAG.
Dahilan ng inirereklamong pulis nang interviewhin ito sa programang Pambansang Sumbungan: BITAG Helpdesk, wala pa daw siyang malipatan. Busy pa daw siya at inuuna niya ang kaniyang tungkulin bilang pulis.
Subalit hindi tinanggap ng nagrereklamo at ni Ben BITAG ang baluktot na dahilan ng pulis. Naniniwala si Ben BITAG na ginagamit ng inirereklamo ang kaniyang otoridad para sindakin at hindi na muling bawiin ng mag-asawang senior citizen ang bahay na isinanla sa kaniya.
Kaya ang mensaheng iniwan ni Ben Bitag – maghanap na ng bagong lilipatan, lisanin na ng pulis ang bahay. Hindi maganda na BITAG pa ang pupunta sa kaniyang teritoryo para palayasin ang inirereklamong pulis.
SOLUSYON
Hindi natapos sa ere ang imbestigasyon ng BITAG. Ipinaabot ang reklamong ito sa Camp Bagong Diwa kung saan nagrereport ang inirereklamong pulis.
Nagbigay ng huling palugit si Aling Aurora para makapaghanap si Police Staff Master Sergeant Dexter Maniaul ng bagong malilipatan.
October 24 2025, nakapaghakot na ng kaniyang mga gamit si PSMS Maniaul at tuluyang umalis sa bahay ni Aling Aurora. Tinanggap na rin ng inirereklamong pulis ang 400 thousand pesos na bayad ni Aling Aurora sa harap mismo ng mga opisyales ng kanilang Barangay.
Ang aktuwal na operasyon ng pagsagip sa mga biktima, panoorin sa https://www.youtube.com/watch?v=A414wWUxyk0&t=1062s