Pinangalanan na ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang apat sa limang miyembro ng komite na magsusuri ng mga courtesy resignations na isinumite ng mga opisyales ng Philippine National Police (PNP)
Ayon kay DILG Secretary Benhur Abalos, ang five-man committee ay binubuo nina Baguio City Mayor Benjamin Magalong, PNP chief Police General Rodolfo Azurin Jr., dating Defense chief Gilbert Teodoro at Undersecretary Isagani Neres ng Office of the Presidential Adviser on Military Affairs.
Samantala tumanggi naman pangalanan ang ikalimang miyembro ng komite, ayon kay Abalos.
“We have high respect for these five volunteer advisors who accepted the very difficult challenge and responsibility of conducting an investigation to continue to suppress illegal drugs in the country,” ani Abalos.
Isa si Azurin sa mga naunang nagsumite ng kanyang courtesy resignation subalit ayon kay Abalos hindi ito tinanggap ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Matatandaang nanawagan si Abalos noong Jan. 4 sa mga matataas na opisyales ng PNP na umano’y sangkot sa illegal drug trade na magbitiw sa kanilang puwesto upang malinis ang pambansang kapulisan.
Sa 953 na opisyal ng PNP na binubuo ng mga colonel at heneral, 12 ang hindi nagsumite ng kanilang courtesy resignations. Sa numerong ito, lima ang nagretiro na at anim ang maggreretiro palang ayon kay Abalos.
“Technically, only one has not complied. We fully respect his decision. We will not impose sanctions on him for not submitting his courtesy resignation,” dagdag pa ng kalihim.