Isinusulong ngayon ni Senator Raffy Tulfo sa Senado ang libreng libing para sa mga mahihirap na pamilya sa bansa.
Sa ilalim ng Senate Bill 1695, makakatanggap ang mga benepisyaryo ng libreng funeral services tulad ng paghahanda ng mga dokumento, pag eembalsamo, burol at libing o cremation.
Saklaw din dito ang libreng kabaong o urn na ipagkakaloob ng mga akreditadong punerarya o morge.
“In the Philippines, funeral and burial services can range from 10,000 to hundreds of thousands of pesos. As such, many poor families are not only wracked with grief but also deep financial stress that may even lead them to borrow funds from lenders with high-interest rates,” ani Sen. Tulfo.
Ang SB no. 1695 ay naglalayon na isabatas ang umiiral na burial assistance sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon sa panukalang batas na ito na inihain ni Sen. Tulfo, ang mga pamilya na may kabuuang pinagsama-samang kita na hindi tataas sa P15,000 kada buwan ang makakatanggap ng serbisyong ito.
Kakailanganin lamang nilang magpakita ng mga dokumento tulad ng certificate of indigency, death certificate, at funeral contract mula sa accredited mortuary at DSWD.