Isang laruan na pinaghihinalaang may lamang kontrabando ang winasak ng tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ang naturang laruan ay pasalubong ng overseas Filipino worker (OFW) na si Rachelle Anne Ramos para sa kanyang anak mula Hongkong.
Si Ramos ay naghihintay ng kanyang connecting flight pauwi ng Laoag, Ilocos Norte nang lapitan siya ng isang tauhan ng paliparan dahil may nakita raw itong kahina-hinala sa kanyang bagahe.
“Akala nila may droga nga o something inside so doon na ako nagtaka,” wika ni Ramos sa isang panayam ng GMA News.
Ayon kay Ramos, dalawang beses idinaan sa x-ray machine at pinaamoy sa K-9 unit ang kanyang mga bagahe.
Upang hindi na maabala at maiwan ng kanyang flight, sinabi ni Ramos na sirain nalang ang laruan upang makita ang nilalaman subalit sa huli ay walang natagpuan ang mga awtoridad.
“Mas maganda kung mag upgrade sila ng mga xray machine yun talagang malinaw yung image… na confident sila sa sarili nila kung ano ang nasa loob “ mungkahi ni Ramos.
Humingi naman ng paumanhin sa nangyari si assistant commissioner at BOC spokesperson Atty. Vincent Maronilla at sinabing sisikapin pa nilang pagbutihin ang kanilang screening upang maiwasan maulit ang insidente.