6 PATAY SA ENGKWENTRO NG MILF AT SUNDALO

Anim ang patay sa engkwentro ng operatiba ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at mga hinihinalang tropa ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Ungkaya Pukan, Basilan.

Kinumpirma ni AFP Western Mindanao Command spokesperson Lieutenant Colonel Abdurasad Sirajan na tatlo ang nasawing sundalo mula sa 18th Infantry Battalion (18IB).

Anim na sundalo mula sa 64th Infantry Battalion (64IB) at isa sa 18IB ang sugatan.

Ayon sa AFP, nagkaroon ng negosasyon ang grupo ng umano’y MILF at iba pang armadong grupo kay Lieute­nant Colonel John Ferdinand Lazo, commander ng 64th Infantry Battalion.

Nagsasagawa ng imbestigasyon ang tropa ng pamahalaan hinggil sa insidente ng pagsabog sa Isabela City at Lamitan City kamakailan.

Kahit may umiiral na ceasefire, patuloy umano ang bakbakan ng militar at mga rebeldeng grupo.

“Mula pa noong the night of Tuesday, ini-impose na ‘yung ceasefire pero meron pa ring skirmishes hanggang kahapon,” wika ni Sirajan.

“Ang lesson learned dito is abide with the arrangement. Halimbawa, ang usapan dun is ‘yung balik barangay nila ay umaga o araw talaga ng Tuesday, ay dapat talaga sa araw ng Tuesday sila bumalik at hindi sa midnight ng Monday,” dagdag pa nito.

Sa kabila nito, nanawagan ang pamahalaan sa pamunuan ng MILF na igalang ang tigil-putukan upang hindi na lumala ang bakbakan sa Basilan.