Ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Rodolfo Azurin Jr., ang malawakang imbestigasyon at manhunt operation sa ikadarakip ng pumaslang sa isang Police Major sa Cagayan.
Kinilala ang biktima na si PMaj. Rafael Tangonan na naka-assign sa Regional Finance Service Office 2.
Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang pulis sa kanyang sasakyan sa Barangay Libertad, Abulug, Cagayan noong gabi ng Nobyembre 7.
Ayon sa mga testigo, sakay ng isang kulay brown na Toyota Innova ang mga armadong suspek.
Binuo na din ng Cagayan Police Provincial Office (CPPO) ang “Task Force Tangonan” na siyang tututok upang mabilis na malutas kaso ng kanilang kabaro.
Tiniyak din ni Gen. Azurin, na ipagkakaloob ng PNP ang lahat ng tulong at benepisyo sa naulilang pamilya ni Maj. Tangonan.